Nangunguna na ang Pilipinas sa mga bansang kasapi sa ASEAN sa pagsugpo sa mapanganib na lasong kemikal na polychlorinated biphenyls o PCBs, gamit ang teknolohiyang subok na ligtas at makakalikasan.
Ito ang binigyang-diin ng Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine National Oil Company – Alternative Fuels Corporation (PAFC), United Nations Industrial Development Organization (UNIDO), at mga NGOs na sama-samang nagtutulong-tulong upang marating ng bansa ang pagiging PCBs-free ng mas maaga sa itinakda ng Stockholm Convention on Persistent Organic Pollutants (POPs).
“Inumpisahan na natin ngayon lamang linggong ito ang konstruksyon ng pasilidad na gagamitin upang wasakin ang mga imbak na PCB sa bansa, gamit ang pamamaraang hindi nagsusunog at nagtatapon,” pagmamalaking sinabi ni Retired Rear Admiral Alfredo Abueg, Jr., Park Manager ng PAFC kung saan kasalukuyang itinatayo ang pasilidad.
“Ang Pilipinas marahil ay maituturing na ngayong siyang nagtatakda ng bilis tungo sa pag-abot sa pambansa at pandaigdigang obligasyon nito na bigyang proteksyon ang kanyang mamamayan at kapaligiran mula sa mga banta ng PCBs,” ayon kay Rey Palacio ng EcoWaste Coalition. “Maaari nating matupad ang ating obligasyon nang higit na maaga kaysa maraming mga bansa kung magiging seryoso tayo sa pagtalima sa Chemical Control Order for PCBs,” dagdag pa niya.
Ang CCO for PCBs na inisyu ng DENR ay nag-aatas ng wastong pangangasiwa tungo sa lubusang pag-aalis at pagpapatigil sa paggamit o pag-iimbak ng PCBs sa bansa pagsapit ng 2014, higit na maaga kaysa itinakda ng Stockholm Convention. Kadalasang ginagamit pa rin ang PCBs bilang dielectric fluid sa mga electrical transformer at capacitor.
Kaugnay naman ng teknolohiyang gagamitin upang wasakin ang mga PCBs, ipinagmalaki ni Engr. Edwin Navaluna ng EMB, na “hindi ito katulad ng pangwasak sa PCBs na ginagamit sa ibang bansa, kung saan sinusunog nila ang mga PCBs at kontaminadong materyal.” Si Navaluna ang Tagapag-ugnay ng proyektong ito na tinatawag na Non-Combustion of POPs o “Non-Com POPs Project”.
“Ang paggamit ng isang mahusay na teknolohiyang hindi nagsusunog upang tugunan ang mga imbak na PCBs sa bansa ay alinsunod sa mga layunin at hinihingi ng Clean Air Act, Stockholm Convention at ng Strategic Approach to International Chemicals Management, upang bigyang proteksyon ang mga mamamayan at ekosistema mula sa panganib ng mga lasong kemikal,” pagbibigay-diin ni Manny Calonzo ng Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA), isang grupong internasyunal na kumikilos kontra incinerators.
Maigting na tinututulan ng EcoWaste Coalition, GAIA, at iba pang kasamahan nilang mga NGOs at Civil Society Organizations ang nakagawiang pamamaraan ng paggamit ng incinerator upang wasakin ang mga PCBs, sapagkat higit pang matinding panganib sa kalusugan ng mamamayan at ng kapaligiran ang idinudulot nito, tulad ng pagbubuga ng mas mapanganib pang kemikal na dioxin.
Ang Non-Com POPs Project, sa suporta ng Global Environment Facility (GEF) at ng UNIDO ay pinangangasiwaan ng DENR, samantalang ang PAFC naman ang siyang mamamahala sa operasyon ng non-combustion facility na kasalukuyang itinatayo sa Industrial Park nito sa Mariveles, Bataan.
Ang EcoWaste Coalition, GAIA, Greenpeace Southeast Asia, BAN Toxics, Health Care Without Harm, Mother Earth Foundation at marami pang mga grupong makakalikasan sa ilalim ng EcoWaste Coalition ay ang mga grupong nagsusulong ng pampublikong interes kaugnay ng proyekto.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment